Gising na!
Hindi bago ang sakit,
nagpalit lang ng mukha,
nagpalit lang ng tugtog.
May dating pangalan,
may bagong pangalan,
may lumang pangako,
may bagong palusot.
Sa entablado, bida sila.
Sa balita, biktima sila.
Sa poster, bayani sila.
Sa resibo, tahimik sila.
Kapag pera ang tanong,
umiikot ang sagot.
Kapag sala ang usapan,
biglang kalaban ang nagtatanong.
Hindi relihiyon ang partido.
Hindi dugo ang kwalipikasyon.
Hindi apelyido ang solusyon.
Hindi kulay ang katotohanan.
Huwag mong sambahin ang nakaupo.
Huwag mong ipagtanggol ang hindi mo kilala.
Huwag mong awayin ang kapwa mo lugi
para lang sa taong hindi ka kilala.
Ang buwis, pawis 'yan.
Ang boto, tiwala 'yan.
Ang puwesto, trabaho 'yan.
Ang bayan, hindi premyo.
Hindi negosyo.
Hindi mana.
Kung paulit-ulit ang daya,
paulit-ulit din ang tanong.
Kung paulit-ulit ang limot,
paulit-ulit din ang tandaan.
Magbasa bago maniwala.
Magtanong bago pumalakpak.
Itabi ang resibo.
Bantayan ang salita.
Huwag magpaamo sa paawa.
Huwag magpasilaw sa ingay.
Hindi kailangan ng gulo
para hindi maging sunod-sunuran.
Hindi kailangan ng dahas
para maningil.
Hindi kailangan ng idolo
para magkaroon ng paninindigan.
Nilagay mo ang kamay sa tapat ng yong puso,
Sabay sabi mo pa ang mamatay ng dahil sa 'yo???
